Dyaryo kontra social media

Rodolfo Dacleson II
3 min readNov 22, 2021

--

Debuho ni John Carlo Agdol

Paigtingin, palakasin, at pagyamanin, imbis na supilin. Ipaglaban ang karapatan sa malayang pamamahayag.

Nitong nakaraang ika-23 ng Enero ng kasalukuyang taon, kinondena ng mga publikasyong kabilang sa Alyansa ng Kabataang Mamamahayag, BroadCircle, DZMC-Young Communicator’s Guild at pahayagang The Communicator ng College of Communication sa Polytechnic University of the Philippines ang pahayag ni Vice President for Academic Affairs Theresita Atienza sa isang public forum kontra sa pagpopondo sa mga student publication.

Nanindigan sa kanyang pahayag si Atienza. Iginiit niyang mayroon namang social media upang maglahad ng balita, at idinagdag pa na mas mainam daw ito kumpara sa paggawa ng dyaryong aniya ay “ipinambabalot lamang sa tinapa”.

Ang naturang pahayag ay malaking insulto sa totoong kapasidad at kakayanan ng mga student publication sa pagpapanatili ng demokrasya sa loob ng mga paaralan. Imbis na wakasan ay nararapat pa ngang paigtingin ang pagpapalaganap ng malayang pamamahayag sa mga unibersidad ayon na rin sa nakasaad sa batas.

Alinsunod sa mandato ng Republic Act 7079 o ang “Campus Journalism Act of 1991”, ay dapat mayroong publikasyon ang mga paaralan mula elementarya hanggang kolehiyo upang maturuan ang mga mag-aaral sa patas at makatotohanang pagbabalita at paghahatid ng impormasyon, kung saan kabilang ang pagsasagawa ng mga aktibidad na naglalayong linangin ang kakayahan ng mga mag-aaral ukol sa responsableng pamamahayag.

Isa pa sa mga tungkulin ng publikasyon ay ang maiparating ang mga saloobin at hinaing ng mga mag-aaral gayundin ang iba pang sektor na sakop ng unibersidad sa administrasyon ng paaralan. Sa ganitong paraan ay naisasabuhay ang demokrasyang pinaiiral ng Saligang Batas, at nasosolusyunan din ang mga problemang internal na kinahaharap ng paaralan sa maayos at mapayapang pamamaraan.

Gayunpaman, magpa-hanggang sa ngayon ay wala pa rin itong sapat na pangil upang lubos na protektahan ang mga student publications at mga kabataang mamamahayag laban sa mga ganitong pag-atake. May mga kaso rin na inaakusahang miyembro ng maka-kaliwang grupo ang mga mamamahayag dahil sa kanilang mga ipinaglalaban, bagay na naglalagay sa kanila sa delikadong sitwasyon lalong-lalo na sa mga publikasyon sa mga kolehiyo at unibersidad, kung saan laganap ang red-tagging.

Sa kabilang banda, maaaring tama si Atienza. Mas mabilis nga namang nakapagpapakalat ng mga balita gamit ang social media at mas marami ang madaling makakabasa nito. Ngunit bunsod din ng mabilis na pag-usbong ng teknolohiya, ay ang mas mabilis na pagkalat ng mga fake news, na ang pangunahing layunin ay manlito, magpakalat ng mga mapanupil na propaganda ng gobyerno at maghasik ng takot bunga ng maling impormasyon.

Dahil dito, mas dapat pa ngang maglaan ng mas malaking pondo ang mga paaralan para sa student publications — imbis na tanggalin ito — sapagkat mas mapagkakatiwalaan ang mga balitang nailalathala sa dyaryo na dumaan sa mabusising pag-usisa, pagtatama ng datos at gramatika ng mga editor, kumpara sa karamihan ng mga balitang makikita sa social media.

Muli, hindi pa rin matatawaran ang halaga ng campus journalism bilang isang pangunahing simbolo ng demokrasyang umiiral sa bansa. Binibigyan nito ng boses ang mga indibidwal o grupo na hindi napakikinggan ang mga hinaing. habang inilalayo ang mga mamamayan — lalong-lalo na ang mga mag-aaral — sa mga kapahamakang maaaring ibunga ng kapanatagan at ginhawang natatamasa sa paggamit ng social media.

Paigtingin, palakasin, at pagyamanin, imbis na supilin. Ipaglaban ang karapatan sa malayang pamamahayag.

Orihinal na inilathala sa The Flare Tabloid Volume 1 Issue Number 2 noong Pebrero 22, 2021.

--

--

Rodolfo Dacleson II

A Filipino writer who dreams of becoming a world-renowned author. If he fails to do so, he will still continue writing for the betterment of the society.