EDITORYAL | #LigtasNaBalikEskwela

Rodolfo Dacleson II
3 min readMar 23, 2022

--

Guhit at disenyo ni: Rae Niño Pelagia

Tandaang karapatan natin ang edukasyon kaya’t marapat tayong makibaka para rito.

Hindi lang kalusugan at ekonomiya ang dapat bigyang-pansin ng pamahalaan sa kasalukuyan. Humaharap din sa malaking krisis ang sektor ng edukasyon sa bansa. Sa implementasyon ng distance learning, nakapagpatuloy ang mga mag-aaral mula elementarya hanggang kolehiyo na matuto sa kanilang mga tahanan. Gayunpaman, hindi ito maituturing na tagumpay, gaya ng iginiit ng Department of Education (DepEd), sapagkat lantad pa rin ang mga suliraning nagpapahirap sa kabataang Pilipino, magulang at mga guro hanggang ngayon.

Hindi rin maaaring ipagkibit-balikat ang pahayag ni Commission on Higher Education (CHED) Chairperson Prospero De Vera ukol sa pagpapalawig ng flexible learning sa taong panuruan 2021–2022 at susunod pa sa mga tersaryang institusyon. Masasabi bang sayang ang nasimulan ng ahensiya’t mga unibersidad kung marhinalisasyon lamang ang naidudulot nito sa mga Iskolar ng Bayan?

Lalo lamang nawalan ng puwang sa bagong moda ng edukasyon ang mahihirap na mag-aaral. Nawalan silang lalo ng kakayahang makasabay sa mabilis na pagbabago ng panahon dahil pasanin ang pakikibagay sa remote learning ng walang gadget na ginagamit at maayos na Internet connection.

Habang patuloy na iginigiit ng mga kagawarang namamahala sa edukasyon ang blended learning bilang solusyon, nagiging malabo ang landas tungo sa magandang kinabukasan. Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), papalo sa halos 11 trilyong piso ang mawawalang pondo ng bansa sa susunod na 40 taon bunsod ng pagsasara ng mga paaralan, pagpapatupad ng hindi epektibong online at module-based learning at pangmatagalang epekto ng pandemya.

Bukod pa rito, napag-alaman sa online sarbey na isinagawa Safe, Equitable, Quality and Relevant Education (SEQuRE) noong Hunyo 25-Hulyo 12, 2020, sa 1,299 mag-aaral mula Baitang 4–12, na kaunti lamang ang natutuhan ng mga mag-aaral sa modular (86.7), online (66) o blended (74) learning. Isa sa dalawang mga estudyante ang nahuhuli sa pagdalo sa klase o pagpasa ng modyul at iba pang requirement, pagbabahagi ng nasa 52 porsyento mga guro mula sa mga pampublikong paaralan.

Sa kabuuang 1,278 gurong sinarbey, 85.2 porsyento ang naniniwalang bumigat ang kanilang trabaho magmula nang ipinag-utos ang makabagong sistema ng edukasyon. Gayunpaman, halos 48 porsyento ng mga titser ang nagsabing hindi sila nakatanggap ng tulong pinansiyal para matustusan ang kanilang mga gastusin sa pagtuturo.

Tandaang karapatan natin ang edukasyon kaya’t marapat tayong makibaka para rito. Kalampagin ang dapat kalampagin. Huwag nating hayaang maging ignorante ang susunod na salinlahi dahil sa kakulangan ng kaalaman at kamalayan sa iba’t ibang disiplina at samot-saring isyung panlipunan.

Kaya’t ating isigaw kasama ang taumbayan, “#LigtasNaBalikEskwela.” Sama-sama nating ipanawagan ang muling pagbubukas ng mga paaralan. Higit sa ngalan ng kampanyang, nais din nitong itaguyod ang panunumbalik sa normal na pamumuhay ng sambayanan. Isang aksiyong hindi lamang nakatuon sa pagbabakuna kundi pagpapaigting din ng contact tracing, mass testing at iba pang komprehensibong plano upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Kinakailangang magkaisa ang bawat lider-estudyante ng mga organisasyon at publikasyon na manguna sa pagboses sa hinaing ng kanilang mga kamag-aral at kaguruan. Hindi imposibleng makapukaw-pansin ang nagkakaisang tinig ng mga kabataang hangad ay dekalidad, libre, siyentipiko, makamasa at makabansang edukasyon. Kaya’t tayo’y tumindig at sumulong para sa pagkatutong mapagpalaya at mapagbago. Ligtas na balik-eskwela, ating kolektibong ipaglaban!

Orihinal na inilathala sa The Flare News Magazine Unang Bolyum Isyu Bilang Isa noong Pebrero 16, 2022.

--

--

Rodolfo Dacleson II

A Filipino writer who dreams of becoming a world-renowned author. If he fails to do so, he will still continue writing for the betterment of the society.