Hindi libro ang kaaway

Rodolfo Dacleson II
3 min readOct 1, 2021

--

Naglunsad ng kilos protesta ang mga progresibong grupo sa loob ng University of the Philippines Diliman Campus. (Jes Aznar/The New York Times)

Academic freedom at malayang pamamahayag, ating ipaglaban!

Kamakailan lang, sumunod sa yapak ng Kalinga State University (KSU) ang Isabela State University (ISU) bilang ikalawang state universities and colleges (SUC) na nagsuko ng National Democratic Front (NDF) handbooks sa awtoridad. Nasa 23 aklat ang inalis sa silid-aklatan ng unibersidad alinsunod sa direktiba ng pangulo nitong si Ricmar Aquino. Ipinag-utos din niyang kumpiskahin ang lahat ng nalalabing libro na may kaugnayan sa Communist Party of the Philippines – New People’s Army – NDF sa 11 pang kampus ng pamantasan sa buong lalawigan.

Hakbang daw ito ng ISU upang ‘di umano’y protektahan ang kanilang mga mag-aaral sa impluwensiya ng mga makakaliwang grupo. Gayunpaman, ito’y pag-atake sa academic freedom at kalayaang mamamahayag ng mga estudyante.

Ang pagbuklat at pagkonsumo sa mga aklat na taliwas sa kaisipang pilit na ikinikintal ng nagbabalat-kayong pamahalaa’y hindi maituturing na kasalanan sa akademiya. Ito’y pagnanais na masagot ang mga katanungan, mabigyang-linaw ang malabong kasaysayan at makawala sa hawla ng kasinungalingan. Sa pagkakaroon ng komprehensibo’t patas na pag-iisip, natutong mag-isip at kumilos ang isang estudyante sa sarili niyang pamamaraan.

“Dapat tamasahin ang kalagayang akademiko sa lahat ng mga institusyon ng lalong mataas na karunungan.” — Seksiyon 5 (b), Artikulo 14 ng Saligang Batas 1987

Nakasaad sa Seksiyon 5 (b) ng Artikulo 14 ng Konstitusyon 1987, “Dapat tamasahin ang kalagayang akademiko sa lahat ng mga institusyon ng lalong mataas na karunungan.” Nangangahulugan itong may awtonomiya ang bawat tersaryang institusyong bigyang-kaalaman ang mga mag-aaral nito sa iba’t ibang uri ng ideolohiya at disiplina — kabilang na rito ang sinasabing mga “subersibong” materyal ng puwersang estado — nang sa gayo’y mahubog ang kanilang kritikal na pag-iisip. Dagdag pa rito, walang sinuman, pati na pamahalaan, ang may kapangyarihang pakialaman ang syllabus na gabay ng mga propesor sa pagtuturo.

Bukod pa rito, kailangan ding bigyang-pansin ang salitang “dapat” sa talata sapagkat nagsisilbi itong panuto sa mga akademikong institusyon na kinakailangan hindi pasubalian.

Hindi seguridad kundi pagkakulong sa kahon ang magiging bunga ng naturang hakbangin ng ISU at KSU. Pinapatay lamang ng aksiyong ito ang oportunidad na maunawaan ng kabataan ang kaligiran ng mga suliraning kinahaharap ng bayan, ang ugat ng rebelyon, at umiigting na pakikibaka ng mga atrasadong sektor.

Dapat tandaang umiigting ang kawalang katarungan sa pananahimik ng mga saksi. Ang pagiging pipi at bulag ay walang pinagkaiba sa pagiging kriminal sapagkat pinapasinayaan nito ang inhustisya.

Ngayong laganap ang red-tagging, ilegal na pag-aresto, pagditene, at pagpatay sa mga tumitindig kontra mga polisiya ng pamahalaan, hindi ba dapat pa ngang mas maintindihan ng kabataan ang kahulugan ng aktibismo at bakit ito may saysay at isinasagawa? Solusyon ba ang pagbibingi-bingihan at pagbubulag-bulagan sa harap ng kalunos-lunos na kalagayan ng ating ekonomiya’t kalusugan sa gitna ng lumalalang pandemya sa bansa? Dapat tandaang umiigting ang kawalang katarungan sa pananahimik ng mga saksi. Ang pagiging pipi at bulag ay walang pinagkaiba sa pagiging kriminal sapagkat pinapasinayaan nito ang inhustisya.

Samakatuwid, hindi libro ang kaaway ng taumbayan. Kailanma’y hindi naging at magiging anyo ng terorismo ang aktibismo. Hindi ito banta sa seguridad kundi bahagi ng ating paglinang at pagtatanggol sa demokrasyang iginarantiya ng Saligang Batas. Kung mayroon mang teroristang dapat usigin at kastiguhin, ito ang pasistang rehimeng hangad ay busalan at patahimikin ang masang nakararanas ng marhinalisasyon, opresyon at pang-aabuso sa kabila ng lantad nitong kapabayaan, kasakiman at katiwalian.

Magkakasama tayong tumindig para sa pagkatutong makapagpapalaya sa bayan mula sa pagkakaposas sa tanikalang iginapos ng mga mapang-api’t naghaharing-uri.

Sa panahong tila kasalanan ang pagiging mulat sa katotohanan at reyalidad ng mga isyung panlipunan, walang dahilan upang pumikit pa. Bagkus, marapat lang na ipaglaban at iboses ang pangangailangan ng kabataang Pilipino sa siyentipiko, libre at makamasang edukasyon nang maituwid ang baluktot na sistema at maisulong ang interes ng mamamayan. Magkakasama tayong tumindig para sa pagkatutong makapagpapalaya sa bayan mula sa pagkakaposas sa tanikalang iginapos ng mga mapang-api’t naghaharing-uri.

Academic freedom at malayang pamamahayag, ating ipaglaban!

Orihinal na nilathala sa Facebook page ng College Editors Guild of the Philippines noong Setyembre 28, 2021.

--

--

Rodolfo Dacleson II

A Filipino writer who dreams of becoming a world-renowned author. If he fails to do so, he will still continue writing for the betterment of the society.