Noon at Ngayon: Marcos at Duterte, Walang Pinagkaiba
Dikdaturang Marcos
“Ginintuang panahon”.
Ganyan ilarawan ng iilan ang estado ng masa sa panahong Batas Militar magmula ng ito’y ideklara noong Setyembre 21, 1972 sa bisa ng Proklamasyon Blg. 1081. Malago raw ang ekonomiya ng Pilipinas nang panahong iyon at pumangalawa pa sa Asya. Anila, kay daming nagtatayugang mga gusali’t pamosong imprastraktura ding naipatayo.
Gayunpaman, hindi nito maikukubli ang mga numerong patunay nang sinapit na marhinalisasyon, pang-aapi at kawalang katarungan ng mga Pilipino sa ilalim ng diktaduryang Ferdinand Marcos.
Sama-sama nating baybayin ang mga istadistikang dapat malaman ng mamamayan upang makita ang totoong mukha ng pasistang rehimen.
Libo-libong paglabag sa karapatang pantao
Ayon sa Amnesty International, tinatayang may kabuuang 107,240 kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng batas-militar. Mula rito, tinatantyang nasa mga 70,000 katao ang dinakip ng awtoridad ng walang “warrant of arrest”. Nasa 34,000 naman ang ‘di umano’y sumapit ng iba’t ibang uri ng tortyur sa kamay ng puwersang estado. Tumabo sa 3,240 ang bilang ng napaslang sa pamumuno ni Marcos partikular na ang mga kritikal sa administrasyon.
Sa tala ng William S. Richardson School of Law Library sa University of Hawaii, 783 ang mga nawala o tinaguriang “desaparecidos” noong Batas Militar. Pinaghihinalaang sapilitang dinukot at dinala sa hindi malamang lugar ang mga biktimang hanggang ngayon ay hindi pa rin natatagpuan o nakauwi sa kanilang tahanan.
Binusalang bibig
Kung may karapatan mang lubos na naabuso noong Batas Militar, ito ay ang malayang pamamahayag.
Liban sa mga Pilipinong napilitang itikom ang bibig kahit nasa katwiran, nawalan din ng kapangyarihan ang mga peryodistang maisulong ang boses ng minorya sapagkat ipinasara ni Marcos ang nasa 464 media outlets. Sila ang unang biktima ng diktadurya na saksi man sa lantad na kabulukan ng sistema’y kailangang manahimik alang-alang sa kanilang seguridad at mga mahal sa buhay.
Bilyon-bilyong utang-panlabas
Matapos ang Martial Law, nag-iwan si Marcos ng tumatanginting na 28 bilyong dolyar na halaga ng utang-panlabas na kailangang bayaran ng mga sumunod na henerasyon. Pilipinas ang nangunang bansa noong 1986 sa buong Asya na may pinakamalaking utang.
Masama pa nito, hindi naman napakinabangan ng bayan ang nasa 33 porsyento o walong bilyong dolyar ng naturang utang sapagkat tinangay ito ng mga Marcos at kanilang mga kaalyado.
Bagsak na ekonomiya
Paniwalang-paniwala ang marami na maunlad ang bansa noong namamahala pa si Marcos. Ngunit, sa katotohana’y ito’y noong umpisa lamang nangyari.
Mula 6.25 % noong 1972, pumalo sa 11.058 % ang bilang ng mga walang trabaho nang sumapit ang taong 1985. Nasa 58.9 % Pilipino naman ang nakaranas ng kahirapan nang 1985. Dumating pa sa puntong ang katumbas ng isang dolyar ay anim na piso dahil ininda ng bansa ang pangungutang ng diktador upang gamitin sa pandaraya noong Halalan 1969. Naitala rin sa panahon niya ang pinakamalalang pagtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Ang dating 10 % inflation ay umariba sa 50% mula 1983 hanggang 1984.
Rehimeng Duterte
Tila bumalik ang alaala ng nakaraan sa pag-upo ni Rodrigo Duterte sa Malacanang.
Simula’t sapul nang maluklok sa kanyang kinauupuan, hindi nawala sa bokabularyo ng berdugo mula Davao City ang karahasan, pagdanak ng dugo at pagkitil ng buhay. Naging simbolo ng kanyang administrasyon ang kamay na bakal upang disiplinahin ang masang humihingi ng ayuda’t suporta sa pamahalaan.
Gaya ni Ferdinand Marcos, hindi maitatago ng proyektong Build, Build, Build ng pangulo ang kalunos-lunos na estado ng karapatang pantao sa bansa, malayang pamamahayag at korapsiyon sa gobyerno.
Giyera kontra inosente
Kaliwa’t kanang pagpatay ang naitala magmula ng mahalal si Duterte. Ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP), nasa 7,025 katao na pinaghihinalaang sangkot sa droga ang napatay sa operasyon ng pulisya kabilang na ang 17-taong gulang na si Kian Delos Santos mula Hulyo 1, 2016 hanggang Enero 30, 2017. Ngunit, hindi rito kasama ang libu-libong biktimang pinaslang ng mga hindi pa nahuhuling mamamatay-tao na umaabot sa 27,000.
Bawal ang aktibismo’t pakikibaka
Dumanak din ang dugo ng mga aktibista, lider ng komunidad, magsasaka at iba pang kritikal sa gobyerno o tumitindig para sa kanilang karapatan.
Mula Hulyo 1, 2016 hanggang Agosto 27, 2019, 116 ang naitalang kaso nang pagpatay sa Negros. Karamihan sa mga ito ay mga magsasakang patuloy — isang senyales na ito’y matagal nang alitan sa lupang sinakahan.
Noong Marso 7, 2021, naganap ang tinaguriang "Bloody Sunday" sa Timog Katagalugan. Siyam na aktibista sa iba’t ibang panig ng Rehiyon 4-A ang napatay dahil nanlaban 'di umano sa awtoridad. Isinagawa ang malawakang operasyon dahil ipinag-utos ni Duterte ang pagkubkob sa mga komunistang grupo.
Lumipas na ang ilang taon ngunit hindi pa rin nakakamtam ng mga pamilya ng nasawi ang katarungan.
Utang dito, utang doon
Habang dumarami ang bilang nang nagkakasakit ay namamatay dahil sa COVID-19, palaki rin nang palaki ang utang ng Pilipinas sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Ayon sa Bureau of Treasury, pumalo na sa 11.6 trilyong piso ang hiniram na pera ng pamahalaan sa pagtatapos ng buwan ng Hulyo. Mas mataas ito ng apat na porsyento kumpara noong Hunyo. Gayunpaman, hindi naman nangangahulugang nagamit ang pondong inutang upang buhayin ang naghihingalong ekonomiya’t masuportahan ang sektor ng kalusugan. Umiigting pa rin ang kahirapa’t kagutuman.
Pabaya sa pandemya
Dahil mas pinili ng pamahalaan ang solusyong militar upang matugunan ang pandemya, patung-patong na ekonomikong problema ang kinasadlakan ng bansa.
Sa sarbey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) mula Hunyo 23-26, 2021, tinatayang nasa 3.4 milyong Pilipino ang nakaranas magutom nang isa o higit pang beses noong Abril hanggang Hunyo ngayong taon. Bukod pa rito, isa rin ang Pilipinas sa mga bansang lumobo ang bilang ng mga walang trabaho sa Asya, ayon sa Asian Development Bank (ADB). Noong 2020, higit apat na milyong Pilipino ang nawalan ng hanapbuhay dahil sa istrikto ngunit hindi namang epektibong community quarantine.
Pandemya na, may nakawan pa
Nasayang lang ang 67 bilyong pondo ng Department of Health (DOH) na napakinabangan sana ng mga nars at doktor sa pakikipagtunggali kontra COVID-19. Kawawa rin ang mag-aaral sa kolehiyo na naapabutan sana ng tulong ng Commission on Higher Education (CHED) kung inilaan nang buo ang halos 73 bilyon nitong pondo. Nasa tinatayang 60 bilyong piso lamang ang ginamit ng komisyon.
Sa nakaraang pagsisiyasat ng Commission on Audit (COA), dalawa lamang ang DOH at CHED sa mahabang listahan ng mga ahensiyang may bahid ng anomalya kahit may pandemya.
Orihinal na nilathala sa Siklo: Kambal-dahas na Lumantak sa Lipunan noong Setyembre 21, 2021 bilang paggunita sa ika-49 anibersaryo ng Batas Militar.