Plano, hindi bakuna lang

Rodolfo Dacleson II
3 min readDec 29, 2021

--

Magkaisa tayong tumindig, bumoses at sumulong para sa edukasyong makapagpapalaya sa atin sa baluktot na sistema. Sama-sama tayong makibaka para sa pagkatutong tapat at sapat! Tayo ay manindigan at isulong ang tama at hustisya para sa atin. Karapatan sa edukasyon, ating ipaglaban!

Tila bakuna na lang yata ang nakikitang solusyon ng rehimeng Duterte upang makabalik sa paaralan ang mga mag-aaral kung kaya’t hindi nakapagtatakang umatras sa paglahok sa pilot testing ng face-to-face classes ang 29 paaralan na nasa ilalim ng Department of Education (DepEd). Patunay ito ng kawalang kumpiyansa ng mga magulang at lokal na pamahalaan sa hakbang na ito.

Higit pa sa herd immunity ang kinakailangan ng bansa upang malampasan ang hamong dala ng COVID-19. Isa lamang ang pagpapabakuna sa mga salik na kailangang maisakatuparan para matiyak ang ligtas na pagbubukas ng mga paaralan. Hindi rin dapat balewalain ang iba’t ibang sosyo-ekonomikong suliraning kinahaharap ng mga mag-aaral, magulang, guro, at mga akademikong institusyon sa kasalukuyan. Bunsod nito, dapat pang paigtingin ang panawagang Ligtas na Balik-Eskwela (LBE) na nagbibitbit ng mga kongkretong plano na matagal nang ipinagkakait ng pabayang rehimen.

Ligtas man sa panganib na dala ng virus, hindi naman maipagkakailang maraming estudyante ang hirap makasabay sa distance learning. Sa pag-aaral na isinagawa ng Psychosocial Support and Children’s Rights Resource Center (PSTCRRC), nasa 67 porsyento ng mga mag-aaral ang nahihirapang umunawa sa kani-kanilang mga modyul, lalong-lalo na ang mga hindi pa marunong bumasa at sumulat. Karagdagang problema rin ito sa mga magulang na hindi nakaranas makapag-aral at walang kadalubhasaan sa pagtuturo ng mga modyul sa kanilang mga anak. Batid ang importansya ng mga guro sa lipunan na siyang tunay na inaasahan sa mga ganitong sitwasyon. Ngunit hindi ito mangyayari kung hanggang ngayon ay sarado pa rin ang mga paaralan. Ayon sa online sarbey na isinagawa ng Movement for Safe, Equitable, Quality and Relevant Education (SEQuRE) noong 2020, napag-alaman na pito sa 10 mag-aaral sa Kamaynilaan ang hindi nakakapasok sa klase dahil sa mga sumusunod: problema sa gamit, mabagal na Internet connection, at gastos sa online learning. Bukod pa rito, halos 48 porsyentong mga guro ang nagsabing hindi sila nakakatanggap ng pinansiyal na tulong upang makapagturo sa blended learning.

Sa ulat na inilabas ng UNICEF, ang Pilipinas at Venezuela na lamang ang mga bansang hindi pa muling nagbubukas ng mga paaralan mula nang maipatigil dulot ng pandemya. Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), masama itong pangitain dahil bukod sa nalilimitahan ang pagkatuto ng mag-aaral, tinatayang 11 trilyong piso ang mawawala sa bansa sa susunod na 40 taon.

Kasabay ng pagbubulag-bulagan at pagbibingi-bingihan ng gobyerno sa mga hinanaing ng mga estudyante’t guro, mas inuna pang paglaanan ng bilyon-bilyong pondo ang mga alagad ni Duterte tulad ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), na kilala sa walang habas na red-tagging, paniniil at pananakot upang busalan ang mga kritiko ng pamahalaan, maging ang malayang pamamahayag sa bansa. Hindi totoong kulang at walang pondo, sadyang iba lang ang prayoridad ng gobyerno. Mas makabubuti pang tanggalan ng pondo ang NTF-ELCAC at ilipat ito sa iba’t ibang sektor, gaya ng edukasyon, na higit na kinakailangan ngayon. Mainam na mas ibigay ito sa mga estudyanteng walang internet at sa mga gurong nangangailangan ng subsidiya para sa kanilang pagtuturo upang hindi masayang ang budget sa walang pakundangang pagbibintang at pagbabanta ng puwersang estado sa mga progresibong mamamayang kritikal sa administrasyon.

Hindi sapat ang bakuna lang, kailangan ng komprehensibong plano. Kalampagin ang nasa Kongreso, Senado’t pamahalaan na inuuna pang paglaanan ng oras ang nalalapit na Halalan 2022. Iboses ang pagsasabatas ng Safe Schools Reopening Bill na inihain ng Kabataan Partylist. Iparinig ang kolektibong tinig ng mga nasa laylayan ng lipunan na hangad ay edukasyong makapag-aahon sa kanila sa kahirapan.

Magkaisa tayong tumindig, bumoses at sumulong para sa edukasyong makapagpapalaya sa atin sa baluktot na sistema. Sama-sama tayong makibaka para sa pagkatutong tapat at sapat! Tayo ay manindigan at isulong ang tama at hustisya para sa atin. Karapatan sa edukasyon, ating ipaglaban!

--

--

Rodolfo Dacleson II

A Filipino writer who dreams of becoming a world-renowned author. If he fails to do so, he will still continue writing for the betterment of the society.