Sino ang may sala?
Nang pumutok ang bulkang Taal, oras-oras nating naririnig ang tinig ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHILVOCS) sa telebisyon at radyo na inaabisuhan ang publiko sa panganib na dala ng naturang sakuna. Gayunpaman, hindi nakaligtas ang ahensya sa mata ng mga mambabatas at Local Government Units (LGUs) na pinararatangan silang nagkulang sa pagpapaalala.
Iginiit ni Talisay, Batangas Vice Mayor Charlie Natanauan na dapat baguhin ng PHILVOCS ang nauna nitong pahayag ukol sa nagbabadyang pagputok ng Taal dahil tinatakot lamang nito ang mga residente. Ayon pa sa kanya, hindi rin “diyos” ang executive director nitong si Renato Solidum upang sabihing delikado ang bulkan.
Si Natanauan ang ikatlong pulitiko, nauna na sina Cavite representatives Elpidio Barzaga Jr. at Abraham Tolentino, na nagreklamo kung bakit hindi kaagad nalaman ng PHILVOCS kung kailan puputok ang bulkan.
Mariin kong pinabubulaanan ang mga argumento itong ng mga mambabatas sapagkat sa katotohanan, limitado pa rin ang kakayahan ng agham at teknolohiya magpa-hanggang sa ngayon upang malaman kung kailan eksaktong sasabog ang isang bulkan. Noong nakaraang taon, ikinagulat ng mga taga-New Zealand ang pagputok ng White Island Volcano sa hindi inasahang pagkakataon na nagpapatunay na walang sinuman sa buong mundo ang nakaaalam kung kailan maaaring maganap ang kalamidad.
Hindi man nahulaan ng PHILVOCS kung kailan sasabog ang bulkan, hindi naman sila nagkulang sa pagpapaalala sa publiko sa bitbit nitong peligro. Marso 2019 nang itaas nila ang Alert Level 1 sa bulkan, na maituturing na isang babala sa paparating na sakuna.
Hindi rin sila nagkulang sa pag-uulat ng estado nito dahil regular sila kung magbigay ng updates sa kanilang Facebook page at website. Pinauunlakan din nila ang media sa mga panayam upang masagot ang maraming katanungan at magbigay linaw sa mga haka-hakang kumakalat sa social media.
Kung noong nakaraang taon pa lamang ay hindi na ipinagkibit-balikat ng LGUs partikular na ang mga nasa loob ng tinatawag na “14-kilometer danger zone”, naibsan sana ang mga suliraning kinahaharap ngayon ng mga naapektuhang mamamayan. Mayroon ding dapat nakahandang emergency plan upang matugunan ang mga pang-araw-araw na pangangailangan ng mga residente sapagkat alam nila na maaaring sumabog ang bulkang Taal anumang oras.
Kabilang din sa responsibilidad nila ay ang paulit-ulit na pagpapaalala sa kanilang mga nasasakupan na maging handa sa bawat oras dahil may tsansa ngang pumutok ang Taal.
Sa kabuuan, hindi dapat paratangan ng pagkukulang ang PHILVOCS sapagkat nagampanan nilang mabuti ang kanilang sinumpaang tungkulin. May kakulangan man sa kagamitan at man power, mababa ang pasahod at taunang pang pagtapyas sa kanilang badyet, nanatili pa rin sila upang patuloy na paglingkuran ang sambayanang Pilipino.
Sa kabilang banda, nangyari na nga ang sakuna ngunit hindi ito dahilan upang palampasin na lamang at ipagkibit-balikat din ang mga naging pagkukulang ng mga namumuno sa mga naapektuhang LGU na sa kasalukuyan ay mukhang namumulitika nang malusutan ang problemang hindi nila pinagtuunan ng pansin mula pa noong Marso nang nakaraang taon. Huwag nating hayaang makatakas ang mga tunay na may sala sapagkat maaaring ulitin lamang nila ang kanilang ginawa. Marapat lang na sila ay ating pagbayarin dahil iniluklok sila sa kani-kanilang posisyon upang magsilbi sa taumbayan ng tapat at sapat.
Orihinal na inilathala sa The Flare Tabloid Volume 1 Issue Number 2 noong Pebrero 22, 2021.