Ang Huling Tula

Rodolfo Dacleson II
2 min readFeb 14, 2021

--

(Guhit ni Tzarina-Alexandra sa DeviantArt)

Ako ngayoʼy nakaratay.
Ani ng doktor na nakaantabay,
“May taning na aking buhay.”
Itoʼy walang lunas.
Hindi na mahihilom pa ng medisinaʼt agham.
Buhay na aking tinatamasaʼt isinasabuhay,
Nasa rurok nang hangganan.
Kamatayaʼy mayroʼn ng katiyakan.

Gayunpaman,
Ako maʼy nakaratay,
Malaking ngiti —
Namumutawi pa rin sa aking labi.
Punong-puno ng sigla,
Pati mga durungawan ng aking kaluluwa.
Kagalakaʼy nasa dibdib pa rin
Kaya kalungkutaʼy hindi madarama sa aking tabi.
Sigya upang magpatuloy sa landas na tinatahak,
Hindi pa rin natutupok,
Bagkus itoʼy nanatili sa pagsilakbo
Sapagkat buhay na mayroon ako
Ay marapat pa ring ipagpasalamat.

Kaya,
Ako maʼy mamatay,
Hinding-hindi malulumbay
`Pagkat aking naging tanang-buhay
Nagkaroon ng saysay
At masayang kulay.

Sa saliw ng malungkot na musika,
Pagsapit ng takip-silim
At paglubog ng araw,
Hindi sumuko.
Patuloy na nangarap.
Nanalig sa kaluwalhatiang hatid ng bukas.
Kalakip nang pagsinta sa pag-asaʼy
Pagsisilbing liwanag sa ibang nagkubli sa dilim.
Buhay koʼy tapos na
Sapagkat pagsibol nitoʼy akin nang natuklasan.
Namulaklak ito upang kalingain ang kapwa,
Arugain ang nangangailangan,
At mahalin ang bawat paghinga
Dahil itoʼy biyaya Niya at ng kalawakan.

Hindi na ako natatakot pa.
Nagawa ko na ang aking misyon.
Handa na akong salubungin ang liwanag
Na animoʼy kadiliman para sa iba.

--

--

Rodolfo Dacleson II

A Filipino writer who dreams of becoming a world-renowned author. If he fails to do so, he will still continue writing for the betterment of the society.